Bakit Gusto Kong Manood Ng Live Gig…

 

(Ang piyesang ito ay sinulat ng isang taga hanga ng Uprising)

Matagal-tagal na rin mula nung huling gig ng Uprising (2019, Himagsikan Tour). Dahil sa pandemya, ipinagbawal ang pagkakaroon ng mass gathering upang mapag-ingat ang kalusugan ng karamihan. At ang masaklap dito, damay ang mga live gigs/events.

Bilang isang fan, namimiss ko rin na matunghayan nang live ang aking mga idolo habang pineperform nila ang kanilang mga obra. Dahil namimiss ko na manood at bilang balik-tanaw na rin, narito ang ilang dahilan kung bakit gusto kong manood ng live gigs!

● Magandang paraan para magrelax!

Pagod ka ba galing trabaho, eskwelahan, atbp? Magandang paraan ang live gig upang magrelax at makatakas sa magulong mundo kahit pansamantala. Bitbit ang paborito mong serbesa, ma-eenjoy mo ang live performances ng iyong mga paboritong artists.

● Makakadiskubre ka ng bagong artists

Bukod sa mga kilala at mga iniidolo mo na, maaari ka pang makadiskubre ng mga bagong artists para sa iyong pandinig. Hindi mo man sila kilala ngayon, pero huwag mong isarado ang sarili mo sa pag-tuklas.

Laging tandaan na ang mga idolo mo ngayon ay nagsimula noon bilang mga bagong artists na nagpeperform sa mga gig. Malay mo, maaaring mahiligan mo rin ang mga kanta nila at kalidad ng performance. Dagdag soundtrip na rin sa playlist pag-uwi!

 
 

● Makakarinig ka ng mga unreleased tracks.

Kabisang-kabisa mo na ba ang mga kanta ng paborito mong idolo? Gusto mo na bang makarinig ng bagong kanta? Minsan sa live gig, ang mga artist ay nagpeperform ng unreleased tracks. Mabibigla ka at mamamangha sa mga bagong kanta na maririnig mo. Mapapakinggan mo ito ng live at sa unang pagkakataon pa!

Bilang isang fan, naeexcite ako kapag nakakarinig ako ng mga bagong kanta. Nagkakaroon ng hype at spekulasyon ang mga fans kung kailan ang bagong album, at kung paano ang magiging atake nito. At sa pag-uwi, dala-dala mo pa rin ang pagkamangha na ito.

● Makakabili ka ng limited merch!

Bukod sa mga masasayang alaala at karanasan, isa sa mga maaari mong mabitbit pauwi ay ang mga merch na mabibili sa mismong araw ng gig. Sa mga gig ng UPRISING, maaari kang makabili ng t-shirts, albums, stickers, at iba pang merch ng artists. Ilan sa mga nakalatag na merch na ito ay maaaring limitado (hindi na irereprint) o available lamang sa araw ng gig mismo. Maituturing itong mga “collectible” kumbaga.

Magandang paraan ang pagbili ng merch upang mairepresenta mo ang lokal na musika. Bukod pa dito, magandang paraan din ito upang magpakita ng suporta sa hindi lang sa event kundi pati sa mga artists mismo.

 
 

● May mga makikilala kang bagong mga kaibigan.

Hindi ko na mabilang sa daliri ang mga taong nakilala ko sa pamamagitan ng live gigs. Nag-umpisa akong mag-attend ng gigs noong 2017, at mag-isa lamang ako pumunta nung araw na iyon. Kahit kabado, masaya ako nun dahil first gig ko ito. Mag-isa man ako nung pumunta, masaya akong umuwi dahil may mga bago akong naging kaibigan!

Nagkakailangan man sa umpisa, nabuo rin ang aming pagkakaibigan dahil magkakaparehas kami ng hilig - ang pagiging fan ng local scene. Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili kaming magkaibigan at ang lagi nilang sinasabi sa akin: “miss ko na rin pumunta ng event!”

● Suporta para sa itinataguyod ng musikero.

Sa pamamagitan ng pagbayad ng ticket at sa pag-attend, nasusuportahan mo na ang mga artist na magpeperform. Malaking tulong ito para sa mga artist upang ipagpatuloy ang kanilang musika.. dahil hindi rin biro ang oras, pagod, at pera na ginugol ng mga artist upang makapagbigay lamang ng dekalidad na musika sa mga tagapakinig.

Kaya para sa mga magtatangkang mamburaot ng live gigs, isipin niyo na lamang ang mga kapwa fan na nag-ipon nang matagal para lamang makabili ng ticket at ang oras at pagod ng mga artists at ng organizers para makabuo ng isang solid na gig.

 
 

● Makakasama mo ang iyong mga idolo.

Bukod sa pag-enjoy ng mga performances, maaari mong makahalubilo ang iyong mga idolo sa live gig. Maaari kang magpapicture, magpapirma ng album, at makipagkwentuhan sa kanila tungkol sa musika!

Huwag mo nga lang sila guluhin kung tingin mong sila’y busy o naghahanda sa pagperform. Panatilihin natin ang pagrespeto sa kanilang personal space.. dahil kahit idolo mo yan, tao pa rin naman sila bandang huli.

• Mas dama mo ang mga kanta kapag ito ay live.

Kung nasanay ka na sa album versions ng paborito mong mga kanta, hindi ka bibiguin ng mga live performances sa gig. Kadalasan, ang mga artist ay naghahalo ng karagdagang mga elemento sa kanilang performance. Maaaring sa paraan ito ng beat switching, audience interaction, adlibs, o ang pagbago o pagdagdag ng liriko sa kanta.

Natutuwa ako kapag ginagawa ito ng mga artist dahil nahihiwalay nito ang album version sa live performance ng kanta. Mas naipapakita rin nito ang versatility, showmanship, at skillset ng artist, at mas lalo mong ma-aappreciate ang kanilang husay at obra.

Kung naenjoy mo ang album version, paniguradong mas madadama at maeenjoy mo ang live performance!

 
 

—------------

Konklusyon:

Sa kabila ng limitasyon na dulot ng pandemya, nagawa pa rin ng UPRISING na magkaroon ng live gigs sa pamamagitan ng online platforms gaya ng Facebook Live at YouTube.

Mula 2020 hanggang 2021, nasaksihan natin ang mga album launches at live performances mula sa roster ng Uprising sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Habang online gig, nasiyahan akong makipag-interact sa aking mga kapwa fan at mga idolo sa pamamagitan ng comments section.

Maaari ninyong balik-balikan ang mga online gigs na ito sa UPRISING YouTube Channel.

Kahit papaano, unti-unti na ring umaayos ang kalagayan ng ating bansa.. Nagsisimula na rin ang pagkakaroon ng mga live gigs sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Sana’y magtuloy-tuloy na ito, dahil nakakamiss na rin!

Ngunit para sa ngayon, patuloy muna tayong mag-ingat palagi at sumunod sa quarantine guidelines. Nananabik ako na muling makadalo ng live gigs at makasalamuha ang aking mga idolo at lahat ng tumatangkilik sa lokal na eksena ng musika.

Hanggang sa muli.. ingat kayo palagi at kitakits soon!